Si Ian Catapang at ang Tamang Tawiran

Ako si Ian Catapang. Pitong taong gulang pa lamang ako, palagi na akong kasama ng tatay Romy sa pagluwas sa Maynila. Mula sa Tanay, bumibiyahe kami nang tatlong oras para dalawin ang mga kamag-anak niya sa Quiricada. Sobrang lapit lang nito sa ospital ng San Lazaro. 

Sabi ni tatay, dito raw dinadala ang mga nakakagat ng mga asong may rabies. Marami raw sa mga pasyente ng ospital, kung hindi nababaliw, namamatay ilang araw matapos ipasok doon.

Tuwing luluwas kami ni tatay, iba ang saya ko. Makikita ko na naman kasi ang mga higanteng building, makasasakay sa dyip o bus, at makakakain ng mainit na siopao o masarap na pansit sa paboritong restoran ni tatay sa kanto ng Quiricada.

“Tay, pa’no po ‘pag nagkahiwalay tayo sa Maynila?” ang minsang tanong ko sa kanya habang nasa bus kami.

“Ah, madali lang iyon, anak. Ang una mong gagawin ay maghanap ng estasyon ng pulis. Pagdating mo roon, sabihin mo sa pulis ang pangalan mo, ang pangalan ko, at ang address natin sa Tanay. Tapos, makiusap kang ihatid ka nila pauwi,” paliwanag niya.

“Madali lang naman pala,” sagot ko.

Mula noon, hindi na ako natatakot na magkahiwalay kami sa tuwing lumuluwas. Basta marunong akong magtanong at makiusap, makauuwi ako sa amin. Isa pa, Catapang yata ang apelyido namin, kaya dapat lang na buo ang loob ko.

Bukod sa pakikipag-usap sa ibang tao, tinuruan din ako ni tatay kung paano ang tamang pagtawid sa pedestrian lane. Sa kanya ko rin natutunan kung bakit dapat lagi akong mag-ingat sa bawat pagtawid.

“Anak, dapat lagi kang titingin muna sa kanan at sa kaliwa bago ka tumawid. At tatawid ka lang sa may nakasulat na Tamang Tawiran. Kasi kung hindi, baka mabundol ka ng paparating na sasakyan. P’wede kang masaktan o mamatay. Madadamay din ang drayber na makakabundol sa ‘yo, dahil p’wede siyang makasuhan at makulong,” bilin ni tatay.

Ewan ko, pero sa lahat ng mga pangaral ni tatay, ito ang pinaka-natandaan ko. Siguro, dahil sa natakot ako nang banggitin ni tatay ang salitang “mamatay.” Ayoko rin pati na may madamay na ibang tao dahil lang sa nagmadali akong tumawid at hindi muna lumingon sa magkabilang direksiyon.

***

Minsang naglalaro ako sa eskuwelahang katabi ng bahay namin, nakita ko sa labas ng isang silid-aralan ang ilang hugis-tao na natatakpan ng kumot at plastik. Sabi ng matandang tanod na nakabantay, mga nalunod daw iyon na nakatira sa tabi ng lawa ng Laguna dahil sa bagyo. Sobra ang kaba ko pagkarinig sa sinabi niya.

Tanda ko, mabilis akong tumakbo habang umiiyak pauwi sa amin. Hindi rin ako nakatulog nang maayos kinagabihan. Simula noon, nagkaroon na ako ng matinding pagkatakot sa lawa at iba pang anyong-tubig.

“Ayaw kong mamatay sa pagkalunod,” wika ko sa sarili.

***

“Ian, tara sa Sala. Wala namang pasok, eh. Maligo tayo!” ang sabi ng kapitbahay naming si Intoy.

Bakasyon noon, kaya maraming naliligo sa Salang Matanda. Isa itong maliit na paliguan sa katabing barangay. May parang dam o imbakan ng tubig doon na nagsisilbing swimming pool. Libre ito sa lahat.

Karugtong ng parang dam ang isang palusong na sementadong bahagi. Madalas itong puno ng lumot kaya madulas. Sa ibaba nito, may nasa sampung talampakan na ilog na lampas-tao ang lalim. Dito raw maraming namamatay.

Tanda ko ang mahigpit na babala ng matandang bantay sa Salang Matanda:

“Huwag na huwag kayong pupunta sa padulasan. Baka dumiretso kayo sa ibaba, malulunod kayong tiyak,” wika nito.

Dahil likas na pilyo, hindi ko pinakinggan ang babala ng matanda.

“Catapang kaya ako!” pagmamalaki ko sa sarili.

Lakas-loob akong pumunta sa padulasan. Bumuwelo ako mula sa itaas ng dam, saka mabilis na nagpadulas gamit ang puwitan.

Huli na nang maisip ko ang maling desisyon ko. Lumampas kasi ako sa dulo ng padulasan at dumiretso sa ibaba. Naramdaman ko na lang ang mabilis kong paglubog, kasabay nito ang pagka-inom ng tubig. Mabilis din akong tinangay ng agos palayo sa mga tao. Takot na takot ako.

Kumawag-kawag ako at pilit na nilabanan ang agos, pero mabilis kong naramdaman ang panghihina ng katawan. Maya-maya pa, nawalan na ako ng lakas at tapang para labanan ang mabilis kong paglubog.

“Mamamatay na ako,” ang sabi ko sa isip.

Pero bigla, naramdaman ko ang isang kamay na humawak sa aking ulo. Unti-unti, napansin kong papalapit na kami sa pampang. Ilang sandali pa, nasa tabi ng ilog na kami ng may-ari ng misteryosong kamay na nagligtas sa akin.

“Salamat po, kuya! Salamat po!” ang sabi ko rito habang umiiyak na parang sanggol. Pinalibutan kami ng mga usyusero. Nakita ko sa kulumpon ng mga tao ang kaibigan kong si Intoy. Umiiyak din.

“Sorry, Ian. Sorry,” ang paulit-ulit niyang sabi sa kabila nang paghikbi.

***

May dalawang beses pa akong muntikang malunod. Sa dalawang beses na iyon, palaging may tila-anghel na nagliligtas sa akin mula sa tiyak na kamatayan. Sa parehong pagkakataon, ang katigasan ng ulo ko ang muntikang magpahamak sa akin.

Sa huling beses, naubos na ang pasensiya ni tatay, kaya napalo na niya ako gamit ang sinturon. Itinali rin niya ang mga paa ko sa kahoy naming upuan para huwag akong makalabas ng bahay.

“Ian, patawarin mo ako, pero ginagawa ko ito para magtanda ka. Ayokong mapahamak ka, anak!” ang maluha-luhang wika ni tatay.

Ilang araw matapos ang insidenteng iyon, sinabi ng ate Chat ko ang dahilan kung bakit ganoon ang ginawa ni tatay.

Lampas isang linggo lang pala pagkapanganak ko, naligo raw sa lawa ang  kuya Zaldy ko kasama ang mga kaibigan. Tumalon daw ito mula sa isang bangka at aksidenteng humampas ang ulo, kaya pumailalim ito sa bangka at nalunod.

Matigas na raw ang katawan ni kuya Zaldy nang makita ng isa naming kapatid. Labis daw itong ipinagluksa ni tatay. Mula noon, naging mahigpit ang bilin ni tatay na iwasan ko ang maligo sa ilog o lawa kung walang kasamang matanda.

***

Bukod sa pagkalunod, may ilang pagkakataon pang nakita ko ang resulta ng mga maling desisyon ko. Kagaya nang patakas kaming manguha ng kababata kong si Buboy ng pakwan sa isang palayan sa lugar namin. Nahuli kami ng may-ari habang kinakain ang isang pakwan kaya ipinatawag nito ang mga magulang namin. Para kaming mga sanggol na malakas ang iyak dahil sa takot sa p’wedeng gawin ng mga nanay at tatay namin.

Nakita ko noon sa mukha ni tatay ang pagkapahiya sa ginawa ko. Lagi kasing sinasabi nito na hindi kami dapat manguha ng hindi sa amin.

“Mahirap tayo, pero dapat tayong maging marangal,” wika niya.

Sa kabila nito, minsan kong sinubukang pakialaman ang pitaka ni tatay. Laking tuwa ko nang makita ang maraming barya at ilang perang papel.

“Jackpot!” sigaw ko.

Dumiretso ako agad sa palengke at binili ang pangarap kong baril-barilan na may tunog at makukulay na ilaw. Mayabang ko ring tinawag ang ilang kalaro at inilibre ang mga ito ng ice cream at tsitsirya.

Gabi na nang mapansin ni tatay na nawawala ang malaking halaga mula sa kanyang pitaka. Nalaman niyang ako ang kumuha ng pera dahil aksidente nitong nakita ang laruang binili ko na isiniksik ko sa ilalim ng unan.

“Anak, pambili ko ng gulong para sa kariton natin ang perang kinuha mo. Paano na ang hanapbuhay natin, anak?” ang naiiyak na sabi ni tatay. 

Napayuko na lang ako sa pagkapahiya at sa nadamang awa kay tatay. Noon ko lang kasi siya nakitang umiyak.

“Sorry, ‘Tay. Hindi ko po alam na may pinaglalaanan pala kayo sa perang kinuha ko,” pahikbi-hikbi kong sabi sa kanya.

***

Habang lumalaki, mas naunawaan ko ang halaga ng mga pangaral ni tatay. Una sa lahat, ang pangaral nito tungkol sa kahalagahan ng pagtawid sa Tamang Tawiran.

Sa pagkuha ko ng mga exam, mas pinipili kong laktawan ang mga tanong na hindi ko alam ang sagot sa halip na mangopya. Kapag bibili naman ako kay Ka Mameng, alam kong dapat kong isauli ang sobrang sukli dahil ito ang tamang gawin. Tuwing uwian naman sa paaralan, hindi na ako nakikipag-unahan o lumalampas sa mga naunang pumila, dahil tinuruan ako ni tatay na maghintay at magtiyaga.

Disisais anyos na ako nang mamatay si tatay dahil sa pneumonia makalipas ang limang araw sa ospital. Dahil mahusay siyang makisama, dumagsa ang mga taga-palengke sa burol niya at pati sa libing.

“Napakabait at napakahusay makisama ng tatay mo.”

“Hindi kami nilamangan ni Ka Romy kahit kailan.”

Ilan ito sa mga papuring narinig ko mula sa mga kapwa kargador ni tatay, pati sa mga tindera sa palengke. 

“Ang galing ng tatay ko!” ang buong pagmamalaking sabi ko sa sarili.

“Tay, alam ko na ngayon kung bakit dapat akong tumawid lang sa Tamang Tawiran. Tama ka, Tay. Dapat lumingon muna ako at mag-isip bago magpasya. Gusto kong maging proud ka rin sa akin, nasaan ka man. Salamat sa mga pangaral mo, Tay,” bulong ko kay tatay nang lapitan ko ang kabaong niya.

Magmula noon, palagi ko nang iniisip kung tama ba o mali ang gagawin ko. Tinitimbang ko na rin kung mapapahamak ba ako o maipapahamak ko ang ibang tao sa bawat desisyon ko.

Sa tuwing maganda ang kinalabasan ng pagpapasya ko, tahimik akong nagpapasalamat kay tatay sa lahat ng mga pangaral niya na pinakikinabangan ko hanggang ngayon. Hindi ko na rin kinalilimutang lumingon muna sa kanan at kaliwa bago ang bawat pagtawid sa Tamang Tawiran, katulad ng bilin ni tatay noong nabubuhay pa.

- WAKAS - 


*Opisyal na lahok sa kategoryang Kuwentong Pambata ng Saranggola Awards 2023.


Saranggola Awards 2023



Mga Isponsor:


Cultural Center of the Philippines




DMCI Homes Property Advisors Unit

Mga Komento

Kilalang Mga Post