Siklo


Kung ang paglingap at pangangaral ay pagkain ng kaluluwa’t laman, walang dudang hindi nagkulang sa pagpapakain ang aming mga magulang. 


“Buntot mo, hila mo. Sungay mo sunong mo,” ang bukambibig ni tatay kapag may desisyon akong ipinagpipilitan sa kabila nang pagsaway niya. Matigas ang ulo ko, aminado ako. At ang ugaling ito ang ilang beses nang naglagay sa akin sa alanganin, katulad nang mag-asawa ako sa edad na katorse.


Nasa honors list ako bago nito, at nawala sa listahan matapos ang school year. Sampung buwan lang din kaming nagsama ng babaeng pinakasalan ko sa Aglipay, at sa panahong iyon ay halos araw-araw naming pinagtatalunan ang pinakasimpleng bagay, kagaya ng kung sino ang maghuhugas ng mga kubyertos at pinggan.


Hindi ko sinisi ang iba sa muntikang pagkapariwara sa bubot na edad. Kagaya ng pangaral ni tatay, hila ko ang buntot ko, at sunong ko ang sungay ko.


Sa kanya ko rin natutunang bumiyaheng mag-isa na hindi nangagambang baka maligaw o hindi makauwi. Sa tuwing bitbit niya ako pa-Maynila para dalawin ang mga kamag-anak, paulit-ulit niyang bilin noong pumunta ako sa estasyon ng pulis kung sakaling aksidenteng mahiwalay ako sa kanya. Makiusap daw ako sa mga ito na ihatid ako pauwi sa Tanay, sa address ng bahay namin na pinakabisa niya sa akin.


“Basta marunong kang makiusap sa iba, makauuwi’t makauuwi ka kahit nasaang lupalop ka pa,” wika niya.


Nang mag-isa akong namuhay sa Maynila, natuto akong magtanong sa mga tsuper at kapwa pasahero kung saan sasakay para makarating doon at dito, o kung magkano ang kailangang ihandang pamasahe. Siya rin ang nagturo sa akin ng konsek’wensya ng bara-barang pagtawid sa kalsada: ang posibilidad na mabangga ng sasakyan kung hindi muna titingin sa kanan at kaliwa sa bawat pagtawid.


“Alalahanin mo rin ang pamilya ng drayber na maaaring maapektuhan kapag nabangga ka. Hindi lang ikaw at kami ng nanay mo ang mapeperwisyo, kaya ayusin mo ang pagtawid mo,” paalala niya.


Mula noon, palagi na akong humihinto at lumilingon muna sa kanan at kaliwa bago ihakbang ang mga paa sa tamang tawiran. Hindi lang para sa kaligtasan ko, kung hindi para huwag maapektuhan ang ibang tao.


***


Masasabi kong mula pagkabata hanggang sa magkaroon ako ng sariling mga anak, love-hate ang relasyon namin ng tatay ko. Sa maraming pagkakataon kasi, hindi maiwasang maghinanakit ako noon at lumaban sa kanya. Kagaya ko, matalim ang dila niya kapag nagagalit o naiinis. May ugali rin kami na panindigan ang isang desisyon kahit pa taliwas ito sa lohika. Para sa amin, ang nasabi ay nasabi na, at dapat itong panindigan ano man ang kahinatnan.


Noong nasa kalagitnaan ako ng kolehiyo, nagrebelde ako sa tatay. Hindi na malinaw sa memorya ko kung ano’ng dahilan kaya ako naglayas. Ang tanda ko lang, umalis ako sa bahay at nakitira sa isa kong guro sa kolehiyo, na ninong ng pangalawa kong anak.


Palihim ako noong nagpupunta sa palengke para manghingi ng baon sa nanay.


“Mag-sorry ka na sa tatay mo. Ikaw lang naman ang hinihintay niyang lumapit,” natatandaan kong paulit-ulit na litanya niya.


Ayaw ko noong una, dahil katulad ng tatay, matigas din ang kalooban ko. Para sa akin noon, may kailangan akong patunayan sa kanya, kahit pa hindi ko batid kung ano nga ba ito at kung dapat ba akong magmalaki sa magulang.


Isang gabi, masinsinan akong kinausap ng kumpare kong guro. Ang wika niya: “Hindi sa itinataboy kita, pero hindi naman posibleng magtagal ka rito sa bahay. At, pinakamahalaga, hindi maganda na nakikipagmatigasan ka sa magulang mo. Sa huli’t huli, ang anak pa rin ang marapat na yumukod sa magulang.”


Makalipas ang higit isang buwan, nagpasya akong bumalik sa bahay at humingi ng dispensa sa tatay. Tinanggap niya ako nang walang sinasabing kahit na ano. Nagulat ako, dahil taliwas ito sa nakasanayan kong pagiging matalim ng dila niya kapag galit. Doon mapayapang nagwakas ang una kong paghihimagsik laban sa kanya.


***


Minsan kong sinabi sa sarili na pupuntahan ko lang ang tatay kapag patay na ito. Nainis kasi ako dahil lang sa ayaw nitong pumayag na tumira sa bahay ng ate Chat para makalinga namin. Mas pinili kasi ng tatay na makitira sa ibang bahay, kung saan siya halos ang bumabalikat sa mga gastusin. Ayaw namin ng ate sa ganoong sitwasyon, kaya sukdulan ang inis-hinanakit namin sa tatay.


Kalaunan, napahinuhod namin siya na sa ate Chat na tumira. Panahon din ito na sa ate na ako nakikituloy kasama ang ilang anak para makatipid sa renta. Dito, medyo naging maayos ang relasyon namin ng tatay.


Kapag nasa Taytay ako sa bahay ng misis kong si Jem, panay daw ang tanong ng tatay sa panganay kong si Ashley.


“Kailan uuwi ang daddy mo?” ang bukambibig daw nito.


Madalas naman, kapag nasa Tanay na ako, ipinagluluto niya ako ng sinigang na alam niyang paborito ko. May mga panahong kapag nasa kubo ako ng pamangkin ko ilang kilometro ang layo mula sa bahay ng ate ay bigla na lang itong susulpot, may dalang pagkain at tubig para sa akin. Walang usapan sa pagitan namin, pero ramdam ko ang pagmamahal ng tatay ko.


***


Lumaki akong ang nanay Cely namin ang mahinahong tinig sa aming tahanan. Pinangangaralan niya ako, palagi, sa diplomatikong paraan. Para sa akin, siya ang payapang pampang tuwing matatapos ang sigwa’t daluyong ng pagsusuheto ng tatay namin.


Ni minsan, hindi nagmura, nagalit, o namalo si nanay, taliwas sa estilo ng pagdidisiplina ni tatay. Madalas, tahimik lang si nanay, pero ramdam ko ang pag-aalala niya sa kalagayan naming magkakapatid.


Masasabi kong sa nanay ko namana ang pagiging malambing at makuns’welo sa kapwa. Kapag sumasama ako sa palengke, ugali niyang masahihin ang anit ko habang nakahiga kami sa papag. Lagi akong nakaunan noon sa mga bisig niya habang mabining nilalandas ng mga kamay niya ang anit ko. Walang palya, nakatutulog ako sa loob ng sampu hanggang labinlimang minuto habang ginagawa niya ito. Napakahimbing ko tuwing nakasiksik ako sa mga bisig niya. Sa napakapayak na paraang ito, ramdam na ramdam ko ang pagkalinga ng isang ina.


Nakita ko rin sa nanay ang pagiging matiisin sa kabila ng kahirapan at mga problema. Sa mga panahong naliligaw ng landas ang tatay, nanatiling tapat sa kanya si nanay. Kapag naman hindi na nila malaman kung saan kukuha ng pera para sa pag-aaral ko o tuwing may mga kapatid akong nangangailangan ng ayuda, may ilang pagkakataong nakikita ko si nanay na tahimik na lumuluha. Pero hindi ko siya narinig na nagreklamo o nanermon sa amin. Kung may parangal man para sa mga inang mapagtimpi at matiisin, isa si nanay sa mga unang mabibigyan, sigurado ako.


***


Madalas akong bitbit nina nanay at tatay sa lumang palengke habang lumalaki. Tanda ko, nasa lima hanggang pitong taong gulang pa lang ako, laman na ako ng palengke. Dahil bubot pa ang katawan ko, ako ang sumasampa sa loob ng jeep at nag-aabot ng mga kalakal sa tatay, kuya, pinsan, at iba pang katuwang na kargador. Ang paliwanag nila sa akin, dapat daw maranasan ko ang hirap nila sa pagkita ng pera para pahalagahan ko ang bawat sentimo na ibinibigay nila sa akin.


Anila, kailangan kong maranasan ang buhay-kargador upang maging mapagpasalamat ako sa ano mang pagkain na nakahain sa hapag. Para rin daw huwag akong kura lang nang kura na hindi iniisip kung may pinaglalaanan na ba sila sa halagang inuungot ko. 


Kaya nga, dahil sa hirap na pinagdaraanan namin bago kumita, bukambibig ng tatay ang ganito: “Hindi natin dinadakot ang pera sa palengke. Hindi tayo nagtatae ng salapi.”


***


“Kawawa na kayo kapag wala na kami ng nanay ninyo.”


Ito ang palasak na litanya ng tatay Romy sa aming magkakapatid noong nabubuhay pa. Madalas, nasasambit niya ito kapag may napapansing hindi maganda kung paano namin tinatahak ang buhay may pamilya, o kapag nakikita niya kaming hirap na pagkasyahin ang sweldo sa gastusin.


Lahat kami ay maagang nagsipag-asawa, at lahat halos, maliban sa akin, ay hindi nakapagtapos sa kolehiyo. Anim kaming nabubuhay na magkakapatid, pero labing-isa kami lahat-lahat. Dalawa ang identical twins sa pamilya, at ako ang itinuturing na latak ng sinapupunan ng aming ina.


Kakatuntong ko pa lang sa kolehiyo nang magkaanak ako. Sa kabila nito, pinag-aral pa rin ako nina nanay at tatay dahil sa pagnanais nilang may mapagtapos kahit isang anak. Sa mahihirap na pamilya, pinakalamalaki nang karangalan ang makapagpagtapos ng anak sa kolehiyo. Kaya nga, madalas na prominenteng nakasabit ang mga diploma sa dingding ng mga tahanan, tila altar na kailangang pagpugayan.


Kabilang sa mga tahirang kargador ang mga magulang namin sa palengke ng Tanay. Natural na lang na sa ganitong linya ng trabaho napadpad ang mga kapatid kong lalaki na hindi pinalad makatapos sa pag-aaral. Ako man ay naranasang magkargador sa ilang panahon para makatulong sa mga magulang.


Nagkakasya kaming magkakapatid noon sa kakarampot na kita, na madalas kaysa hindi ay kulang na kulang sa mga gastusin namin bilang may mga itinataguyod na mga anak. Ang karaniwang ganansya kada araw bilang kargador ay naglalaro lang sa kuwarenta hanggang sisenta pesos, depende sa dami ng nahahakot na mga paninda. Kapag mga patay na buwan — mula Pebrero hanggang Agosto — madalas ay trenta o kuwarenta pesos ang pasahod ng tatay sa mga katuwang sa kargada.


Tuwing may okasyon gaya ng Pasko, Bagong Taon, at piyestang-bayan, umaabot hanggang siento bente ang kita sa ilang oras na pagbubuhat ng mga kalakal. Pero kung mamalasin ka, mag-aabono ka sakaling nanakaw ang kargada na naihatid mo na naman sa p'westo ng mga manininda. Madalas kasi, alas kuwatro na sila dumarating sa mga tindahan nila, samantalang ala-una hanggang alas-tres nang madaling-araw ang kadalasang oras ng paghahakot namin ng mga inangkat na paninda mula sa Divisoria.


Bukambibig nilang mag-asawa na marangal na trabaho ang pagkakargador. Gayun man, malimit na hindi sapat ang kita para makaramdam ng kaunting ginhawa man lang ang pamilya. May kung ilang pagkakataong nakita kong tahimik na lumuluha si nanay, lalo kapag nanakawan kami ng naihatid nang paninda, na minsan ay higit isang libong piso ang halaga. Obligado silang bayaran iyon paunti-unti sa manininda, na madalas ay aabutin nang ilang buwan bago mapunan. 


Nakita ko sa kanilang dalawa ang halaga ng pagtitiis sa kabila nang kahirapan, ang tibay ng kalooban kahit naglulunoy sa kapighatian.


Sa kanila ko rin natutunan ang halaga ng mabuting pakikisama sa kapwa. Sa palengke kasi, iniiwasan ang hindi marunong makipagkapwa-tao. Lumaki akong walang ano mang narinig na hindi maganda sa mga taga-palengke patungkol sa mga magulang namin. Lahat sila, bukambibig ang husay makisama nina nanay at tatay.


Mula sa mga kapwa kargador at magpapapag (dahil nagpapaupa ng papag ang tatay sa mga tindera tuwing araw ng tiangge), hanggang sa mga manininda at may-ari ng dyip na nag-aangkat ng mga kargada mula sa Divisoria, pinakisamahang mabuti ng mga magulang namin. Walang masamang tinapay, bagkus, lahat ay itinuring nilang parang kadugo.


***


Bago mamatay ang nanay, may ilang buwan din akong ni hindi man lang nagpakita sa kanya. Umalis kasi kami noon sa bahay at piniling makipisan sa mga magulang ng dati kong kinakasama na ina ng apat kong anak. Panahon kasi iyon na laging may tensyon sa pagitan namin ng ilang kapatid na kasama naming nakikitira sa mga nanay at tatay. Pakiramdam nila, laging nasa akin ang atensyon at lahat ng pabor mula sa mga magulang namin; pakiramdam ko naman, hindi patas ang pagturing nila sa akin bilang sariling dugo’t laman.


Noo’y nagtatrabaho na ako bilang empleyado ng munisipyo. Sinuwerteng magkaroon ng plantilla kaya nagkalakas-loob akong umalis sa mga anino nila. Nakapagpundar na ako noon ng sariling motorsiklo, kaya kung tutuusin, kaya kong dumalaw sa mga magulang namin ano mang oras na gustuhin ko. Pero, pinili kong huwag na lang magpakita sa bahay para maiwasan ang gulo.


Isang araw, ginulantang ako ng balitang isinugod sa ospital sa Pililla si nanay. Na-stroke raw, sabi ng isang kasamahan sa munisipyo na mas unang nakabalita kaysa akin. Dali-dali akong nagpunta noon sa ospital, para lang mahapis sa nakitang kalagayan nito. Nakangiwi ang isang bahagi ng kanyang mukha at hindi na namin maunawaan ang sinasabi niya. Pawang ungol na lamang ang nakakaya niyang sambitin noon, bagay na napakasakit makita bilang isang anak.


Makalipas ang ilang araw ay sinabihan na kami ng doktor na mas mabuting ilipat namin ang nanay sa ospital sa Morong, kung saan mas maayos siyang maaalagaan. Nagsalit-salitan kaming magkakapatid ng pagbabantay noon sa kanya. Pumupunta ako upang rumelyebo sa mga ate ko matapos ang trabaho ko sa munisipyo. Bago ako pumasok ulit, darating naman ang iba ko pang kapatid para humalili sa pag-aasikaso sa nanay.


Sinubukan naming tulungan siyang maipaabot sa amin ang gusto niyang sabihin dahil hindi na niya kayang magsalita. Nagsulat ako noon ng alpabeto sa isang papel at pinahawakan ko sa kanya ang bolpen para ituro niya ang mga letra, na siya ko namang isusulat sana sa hiwalay na pahina para makabuo kami ng mga salita. Pero, hindi niya kayang hawakan nang maayos ang panulat.


Nagpasya akong ako na lang ang magtuturo sa bawat letra na nakasulat, at kailangan lang niyang tumango o umungol kapag tumapat ang bolpen sa letrang gusto niyang piliin. Hindi rin ito umubra, dahil walang kahulugan ang mga nabuo naming salita. Bigo ako sa pagnanais na makausap si nanay sa ganitong paraan, na isang bagay na napakarami ko sanang pagkakataon noong hindi pa siya nararatay. Hangggang ngayon, labis ko pa rin itong dinaramdam.


Setyembre 3, 2015, nang tuluyang mamahinga si nanay. Hindi ko na nakita ang mga huling sandali niya dahil kauuwi ko pa lang mula sa pagbabantay sa kanya nang atakehin ulit siya at hindi naisalba pa. Hindi ko makalilimutan ang sinabi ng parking boy sa labas ng ospital nang makita niya akong mugto ang mga mata habang pasakay ng motorsiklo:


“Marami tayong pare-parehas na may pinasang krus sa loob ng ospital na ‘yan,” wika nito.


Para ako noong pinagkaitan ng nag-iisang liwanag sa mundo. Sinakmal ako ng reyalidad na, oo nga, patay na talaga ang nanay ko. Doon ko rin naisip, sa sandaling iyon, ang mga panahong sinayang ko para makasama ang nanay, na alam kong tahimik na nangulila sa akin sa ginawa kong paglayo.


***


Panahon ng COVID-19, taong 2021, dinapuan ng sakit ang tatay. Ilang araw siyang hirap sa paghinga noon, at kinailangan kong buhatin siya kapag gusto niyang lumipat ng puwesto. Bago ito ay bigla na lang natumba ang tatay sa pagkakaupo sa labas ng bahay ng ate Chat; mabuti at may kapitbahay na biglang sumigaw kaya natawag ang atensyon namin.


Ayon sa first aiders ng munisipyo na rumesponde, okay naman daw ang lagay ng tatay. Hindi nila ipinayong dalhin namin ito sa ospital, dahil sa posibilidad na mahawahan ito ng mga COVID patients.


Dahil nga rito, sa bahay lang namin siya inobserbahan, hanggang dumating sa puntong hirap na talaga siyang huminga. Huli na nang makarating sa bahay ang mga rescuer ng munisipyo.


Dahil sa mga sintomas na kaparehas sa mga may COVID-19, hindi kami pinayagan ng health officer ng munisipyo na iburol ang tatay sa bahay, kahit pa walang naging testing dahil tiyempo namang ubos na ang test kits. Labag daw sa umiiral noon na health protocol ang pagbuburol ng patay, lalo at suspected na namatay dahil sa COVID-19.


Biyernes, Setyembre 24, 2021, nang bawian ng buhay ang tatay, bandang alas-syete ng gabi. Nanatili ang bangkay niya sa bahay buong Sabado, habang inaasikaso namin ang mga kailangan para sa madaliang paglilibing. Sa ilang pagkakaton habang nakabantay ako sa bangkay niya, nasumpungan ko ang sariling impit na umiiyak. Napakabigat ng dibdib ko noon, na mas tumitindi sa tuwing pinagmamasdan ko ang hapis niyang mukha.


Nang gagapin ko ang butuhan niyang kamay, para akong batang napahagulgol. Sumipa ang reyalisasyon na ulila na akong lubos, kaming magkakapatid. Wala na ang tatay para pangaralan ako, at wala na ring magtatanong pa sa anak ko kung nakauwi na ba ako sa Tanay, o kung nakakain na ba ako.


Linggo namin inilibing ang tatay sa Himlayang Bayan. Hindi na kami halos nakapagluksa. Iilan lang din ang mga kamag-anak at kakilalang nakasama namin sa paglilibing sa tatay dahil nga sa biglaan niyang pagkamatay. Wala nang oras para man lamang iproseso naming magkakapatid ang mga bagay-bagay, partikular ang hinagpis sa pagkawala ng natitira naming magulang.


“Paano ba ang magluksa sa panahon ng pandemya?” ang nausal ko na lamang noon.


***


Nito ko lamang napagtanto, ilang taon mula nang maging ulilang lubos, na ang mga habilin at paglalambing pala nila ay paraan ng pagkalinga nila sa amin. Sa bawat pangaral pala na madalas kong balewalain at suwayin, inihahanda pala nila kaming magkakapatid sa kung paano namin dapat palakihin ang mga anak namin. Ngayon ko tunay na naintindihan ang ibig nilang sabihin na “magiging magulang ka rin.” Batid ko na ngayon na kung malaking gampanin ang sumunod sa mga utos ng magulang, makailang ulit ang bigat na magpakamagulang.


Ngayong halos mag-isa kong itinataguyod ang apat kong anak, mas nauunawaan ko ang bigat ng responsiblidad na dapat kong balikatin. Ngayon ko tunay na naibabangga ang sarili kong danas bilang magulang sa kung paano ako kinalinga nina tatay Romy at nanay Cely.


Panahon ko na ngayong mag-alala sa tuwing wala pa ang anak sa bahay, ang mamroblema sa tuwing kapos ang suweldo sa gastusin bawat buwan, ang magdamdam kapag tingin ko, lumalabas lang sa kabilang tenga ng mga anak ang bawat pangaral ko. Nagpapatuloy ang siklo, at hindi ko batid kung ano ang hain ng bukas sa pagiging ama ko.


Madalas ngayon, bago ako pumikit para magpahinga, nasusumpungan ko ang sariling nakakaramdam ng hindi mapangalanang bagabag. Paano na ang mga anak ko kung bigla akong mawala? Nagigising ako minsan sa alanganing oras na malakas ang kabog ng dibdib, iniisip kung magiging mabait ba ang kapalaran sa mga anak ko kung sakaling iwanan ko na sila.


Panahon ko na para mag-alala sa tuwing nasasaksihan ang sigalot sa pagitan ng mga anak ko, kung paanong malamang ay nag-alala ang sina nay at tatay kapag may alitan kaming magkakapatid.


Kaya rin, dumadalas na ang taimtim kong pananalangin na huwag isaisantabi ng mga anak ang bawat paghahabilin at pagtutuwid ko. Higit, na huwag nilang maranasan ang bigat sa damdamin at pagsisisi ko ngayon sa mga pangaral ng mga magulang na hindi ko noon pinahalagahan. Ayokong matulad sila sa akin, isang alibughang anak, na tulad ng sabi ni Bob Ong sa isang aklat niya:


"Sa bandang huli, ikaw din ang biktima... Rebeldeng walang napatunayan at bait sa sarili."


Nagpapatuloy ang siklo, kaya hiling ko lagi sa Dios na maging mabuti ang pag-ikot nito, alang-alang sa mga anak ko. #


***


*Opisyal na lahok sa kategoryang Sanaysay ng Saranggola Awards 2023.


Saranggola Awards 2023




Mga Isponsor:


Cultural Center of the Philippines





DMCI Homes Property Advisors Unit


Mga Komento

Kilalang Mga Post